Nabisto ko lang kamakailan ang pambababaeng ginagawa ng asawa ko. Pitong taon na po kaming kasal ngunit nalaman ko na nagsimula na siyang mambabae kahit noong kakakasal pa lang namin. Sa tingin ko ay hindi na siya mapagkakatiwalaan muli kaya iniisip ko na pong makipaghiwalay sa kanya. Sapat na po bang dahilan ang walang tigil niyang pambabae para ipa-annul ang kasal namin?
Mary
Dear Mary,
Hindi sapat ang pangangaliwa ng isang asawa upang mapawalang-bisa ang isang kasal. Hindi kasi ito isa sa mga grounds para sa annulment o nullity ng isang kasal sa ilalim ng Family Code. Tanging ang mga dahilan lang na nakasaad sa Family Code katulad ng pagiging underage ng ikinasal, kawalan ng marriage license, kawalan ng awtoridad ng nagkasal, psychological incapacity, at iba pa ang maaring maging batayan sa pagpapawalang-bisa ng isang kasal. Mapapansin mong ang mga dahilan na ito ay mga kakulangan o depekto noong mangyari ang kasal o bago ang kasal at hindi sila ay may pagkukulang sa nangyari matapos maikasal ang mag-asawa.
Maari mong gamiting dahilan ang pambababae ng asawa mo kung mapapatunayan mo na sintomas lamang ito ng kanyang psychological incapacity na taglay na niya bago pa kayo ikasal. Kailangan mong maipakita sa korte na ang pambababae ng iyong mister ay manipestasyon ng diperensiya sa kanyang pag-uugali na siyang dahilan kaya hindi niya magampanan ang mga obligasyon niya bilang isang asawa.
Bukod sa psychological incapacity ay maari mo rin gamitin na dahilan ang pambababae ng iyong mister sa pagsasampa ng legal separation. Ngunit hindi katulad ng psychological incapacity ay hindi ito magdudulot ng pagkawala ng bisa ng inyong kasal. Limitado lamang sa pamumuhay ng magkahiwalay at ang paghahati sa inyong mga ari-ariang mag-asawa ang magiging epekto ng decree of legal separation kung sakaling payagan ito ng korte." - https://www.affordablecebu.com/