Isa po ang mga negosyo ko sa tinamaan ng pandemic. Gusto ko po sanang malaman kung maari ko bang ipagpaliban ang pagbabayad ng 13th month pay sa aking mga empleyado dahil ngayon pa lang po nakakabawi ng unti-unti ang aking negosyo? —Allen
Dear Allen,
Bagama’t marami talagang negosyo ang naapektuhan ng pandemya, hindi naman ibig sabihin nito ay hindi na kailangang tuparin ng mga employer ang kanilang obligasyon na bayaran ang 13th month pay ng kanilang mga empleyado.
Malinaw na nakasaad sa Presidential Decree (PD) No. 851 na pagsapit ng ika-24 ng Disyembre ay kailangang nabayaran na ng employer ang 13th month pay ng kanilang mga empleyado na katumbas ng 1/12 ng kabuuang sinahod nila sa buong taon. Bukod dito, nakasaad din sa PD No. 851 na lahat ng employers ay covered ng patakaran na ito.
Upang maging malinaw na patuloy ang pagpapatupad ng patakarang ito sa kabila ng pandemya, nag-isyu pa nga ang Department of Labor and Employment (DOLE) noong Oktubre 16, 2020 ng Labor Advisory N0. 28-2020 kung saan mariing nakasaad na walang employer ang maaring humiling ng exemption o kahit ng palugit man lang sa pagbabayad ng 13th month pay.
Nakasaad din sa nasabing Labor Advisory na kailangang i-report ng employer sa DOLE pagsapit ng Enero 15 ng susunod na taon ang naging compliance o pagsunod nila sa batas ukol sa pagbabayad ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado.
Base sa nabanggit, malinaw na walang employer ang makakaligtas sa pagbabayad ng 13th month pay ngayong taon. Dahil dito, mas makabubuti kung tumalima na lamang sa sinasasabi ng batas upang hindi na magkaroon pa ng mga suliraning legal na siguradong magdudulot din ng dagdag na gastos at abala." - https://www.affordablecebu.com/