Balak na po naming kumuha ng kasambahay dahil pareho na po kaming magtratrabaho ng asawa ko. Gusto ko lang po sana malaman kung kailangan pa ba naming gumawa ng nakasulat na kontrata para sa makukuhang kasambahay? Ano po ba ang kailangang nakalagay sa kontrata? —Lisa
Dear Lisa,
Oo, kailangang may kontrata sa pagitan ninyo at ng kasambahay na makukuha alinsunod sa Republic Act No. 10361 (Batas Kasambahay Act). Kailangang mapirmahan n’yo ito bago magsimula ang paglilingkod ng inyong kasambahay at kailangang nasa lengguwahe rin itong maiintindihan ng lahat ng partido. Kung istrikto rin ang magiging pagsunod n’yo sa batas ay kailangang tatlong kopya ang kontrata: isa sa inyo, isa sa kasambahay, at isa bilang kopya ng barangay.
Ayon sa Batas Kasambahay, kailangang nakalagay sa kontrata ang mga sumusunod: (1) mga magiging tungkulin ng kasambahay; (2) itatagal ng pamamasukan niya sa inyo; (3) suweldo; (4) mga ikakaltas n’yo sa kanyang suweldo na pinahihintulutan ng batas katulad ng SSS contribution; (5) oras ng trabaho at karagdagang bayad kung sakaling lumampas ang gawain ng kasambahay sa takdang oras; (6) araw para sa day off; (7) board and lodging at atensiyong medikal para sa kasambahay; (8) kasunduan ukol sa mga nagastos n’yo sa pagkuha sa kasambahay, kung mayroon man; (9) pagtatapos ng empleyo ng kasambahay; at (10) iba pang kasunduan na nais n’yong idagdag.
Hindi lamang proteksiyon laban sa mapang-abusong amo ang dulot ng pagkakaroon ng kontrata para sa mga kasambahay, proteksyon din ito sa mga employer na katulad n’yo laban sa mga mapagsamantala at manlolokong indibidwal na maaring mamasukan sa inyo." - https://www.affordablecebu.com/